4 hinihinalang NPA members patay sa engkuwentro sa Sorsogon

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2019 04:41 PM

Apat na hinihinalang miyembro ng New People's Army ang napatay sa engkuwentro nila laban sa militar noong umaga ng Linggo sa bayan ng Matnog, Sorsogon, ayon sa mga awtoridad.

Kinilala ang isa sa mga nasawi bilang si Robert Estiller, commanding officer sa ilalim ng Bicol Regional Party Committee, na hawak umano ang operasyon ng mga rebelde sa ilang lugar sa lalawigan.

Nagsagawa ng combat operation sa Barangay Tugas ang mga sundalo ng 31st Infantry Battalion, 91st Division Reconnaisance Company, at 1st at 2nd Mobile Force Company matapos makatanggap ng ulat na may mga rebelde sa lugar, ayon kay Maj. Ricky Aguila, tagapagsalita ng 9th Infantry Division ng Philippine Army.

Tinatayang nasa 60 rebelde ang nakaengkuwentro ng mga sundalo sa loob ng isang oras.

Ilang mga armas at pampasabog ang narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng engkuwentro.

Nagsasagawa umano ng pagpupulong para sa isang opensiba ang mga rebelde bago makaengkuwentro ang militar.

Nabatid din na may mga extortion activity umano ang mga rebelde sa lugar.

-- Ulat ni Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.