2 ‘tulak’ patay sa buy-bust sa Bulacan

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2018 10:45 AM

MAYNILA - Patay ang dalawang hinihinalang tulak ng droga matapos mauwi sa engkuwentro ang buy-bust operation sa San Jose del Monte, Bulacan, madaling araw ng Sabado.

Kinilala ang napatay na mga suspek na sina alyas Alexander, itinuturing na No. 2 drug personality ng Barangay Anti-Drug Abuse Council sa bayan, at si alyas Bay.

Ayon sa paunang ulat ng San Jose del Monte Police, ikinasa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ang operasyon sa Barangay San Pedro.

Isang police ang nagpanggap na bibili ng P500 halaga ng hinihinalang shabu mula kay alyas Alexander. Matapos ang transaksyon ay nakahalata umano ang kasamahan nito na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya’t pinaputukan umano ng dalawang suspek ang mga operatiba. 

Napilitang gantihan ng putok ng mga pulis ang dalawa na nagresulta sa kanilang pagkamatay.

Dalawang baril ang nakita sa crime scene. May mga sachet din ng hinihinalang shabu at mga gamit na may kinalaman sa droga na nakuha sa sling bag ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.