PatrolPH

2 patay, 49 arestado sa mga operasyon kontra-krimen sa Calamba

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2018 04:39 PM

Dalawa ang patay at higit 40 ang arestado sa magkakahiwalay na anti-criminality operation ng pulisya sa Calamba City, Laguna nitong Biyernes at Sabado.

Sa 13 operasyong ikinasa, 49 ang naarestong mga suspek kabilang na ang mga nahuli sa drug session, buy-bust operation, gambling at isang wanted person.

Habang nasa follow-up operation naman ang ilang pulis, isang biktima umano ng pagnanakaw ang humingi ng saklolo.

Natunton ng mga pulis ang mga salarin batay sa impormasyon at direksyon na ibinigay ng biktima.

Nagkaroon pa umano ng habulan at nakipagputukan pa ang mga salarin.

Napuruhan ang dalawang salarin at agad dinala sa ospital pero idineklara ring dead on arrival.

Nakita naman ng mga nurse sa bulsa ng dalawa ang ilang plastic sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu.

Pinaniniwalaan namang sangkot din ang dalawa sa ilang insidente ng nakawan sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.