Yolanda survivors, binaha dahil sa 'Urduja'

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 09:57 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nagdeklara na ng state of calamity ang Sangguniang Panlungsod ng Tacloban City dahil sa bahang nararanasan hatid ng bagyong Urduja na nararamdaman din sa ilang bahagi ng bansa.

Sinuspende na rin ang operasyon ng airport kaya kanselado ang lahat ng biyahe.

Dahil sa walang tigil na pag-ulan simula Huwebes, binaha nang aabot sa tatlong talampakan ang ilang bahagi ng New Hope Village na relocation site para sa mga Yolanda survivors.

Dismayado ang ilang residente at napilitang lumikas.

"Wala na, baha na talaga ang mga gamit namin, tumba ang ref, stereo, wala na talaga, pati mga damit namin," hinaing ni Charity Layson, isang Yolanda survivor. 
 
Ang iba, tumuloy muna sa mga unit na wala pang nakatira.
 
Nasa 80 pamilya ang apektado ng baha. Panawagan nila sa gobyerno, bigyang pansin ang kanilang sitwasyon.

Sa Leyte naman, binaha rin ang ilang lugar kaya nagsilikas ang ilang residente.
 
Abot hanggang tuhod naman ang baha sa Quinapondan, Eastern Samar.

Sa Bicol, libu-libong pasahero ang stranded sa ilang pantalan.

Sa Roxas City, Capiz, apat na mangingisda ang hinold ng Philippine Coast Guard dahil nangisda pa rin kahit ipinagbawalan.

Sa Iloilo City, stranded naman ang isang barko papuntang Cebu.

Sa Boracay, baha pa rin ang ilang kalsada.

Naghahanda na ang Department of Social Welfare and Development ng relief goods para sa mga pamilyang apektado ng bagyo.

--Ulat ni Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.