Traffic, titindi pa ngayong Kapaskuhan: MMDA

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 10:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Asahan na ang mas matinding traffic simula ngayong Biyernes dahil kabi-kabila na ang Christmas shopping at iba pang aktibidad kaugnay ng Kapaskuhan, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). 

Aminado ang MMDA na hindi nila mapapagaan ang matinding traffic dahil hindi pa masolusyunan ang problema sa dami ng sasakyan at madadagdagan pa ito ng 20%.

Tipikal na kasing dumadayo sa Manila ang mga taga-Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan para mag-shopping at tuluyang i-celebrate ang Pasko at bagong taon.

"Umaasa kami [sa] disiplina na lang sa lansangan para at least hindi naman magkabuhol-buhol, maiwasan po natin 'yung aksidente," ayon kay MMDA Assistant General Manager Jojo Garcia.

Pasok na rin kasi sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga request para sa special permits ng mga public utility vehicles (PUV) ngayong Kapaskuhan.

Halos 300 na ang naaprubahan ng LTFRB kaya inaasahang madadagdagan hindi lamang ang mga sasakyan kundi pati na rin mga tao papasok at palabas ng Maynila.

Inilatag na naman ng MMDA ang kanilang Christmas traffic plan nitong Oktubre pa lamang pero hindi pa rin umano kakayanin ang dagsa ng mga sasakyan at tao. 

Wala namang pahinga ang 2,500 MMDA enforcers ngayong Kapaskuhan dahil naka-duty pa rin ang mga ito.

Kahit kasi Pasko, tuloy ang mga traffic scheme ng MMDA at ang hulihan sa mga traffic violation.

Bukod sa pagmamando sa traffic, tutulong din sila sa pag-ayos ng parking at seguridad sa mga mall. 

Humingi na ng ayuda ang ahensiya sa mall owners para magdagdag ng personnel para mapadali ang security checks sa parking areas maging pagpasok sa loob ng mall, simbahan, at mga liwasan.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.