Sereno, break muna sa problema, nag-ballroom dancing

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 10:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Break muna sa personal na krisis na pinagdadaanan si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na game na game humarap sa mga opisyal at empleyado ng Korte Suprema sa kanilang Christmas party.

Hindi inalintana ni Sereno ang hinaharap niyang impeachment case sa Kamara.

Muling ibinida ni Sereno ang mga nagawa ng hudikatura sa nagdaang limang taon niyang pamumuno.

"Napakadami na nating nagawang projects... Ibig sabihin po after the time na tayo po nagkakasama at nagtatrabaho, nakita natin kung gaano kahusay ang hudikatura," ani Sereno.

Taliwas sa mga alegasyon sa impeachment complaint ng katiwalian at mali niyang pamamalakad sa hudikatura, sinabi ni Sereno na nagiging ehemplo pa ang hudikatura sa iba pang mga tanggapan ng gobyerno.

"Handa na ba kayo na magkukuwento tayo sa taumbayan sa mga achievements natin? Na ang financial standards natin are the best, management standards natin ay the best, outputs natin ay the best," pagmamalaki ni Sereno.

Tatlong iba pang mahistrado lang ang dumalo sa pagtitipon. Ito sina Associate Justices Diosdado Peralta, Mariano Del Castillo, at Estela Perlas-Bernabe.

Nagpakitang-gilas pa sina Sereno, Del Castillo, at Bernabe sa pagsayaw ng ballroom dancing.

Hinarana rin si Sereno ng stage actress at singer na si Pinky Marquez.

Inaasahang itutuloy ng Kamara ang pagdinig sa mga reklamo kay Sereno sa susunod na taon habang tinutukoy kung may sapat na basehan para ipadala ito sa Senado na tatayo naman bilang impeachment court.

--Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.