Salpukan ng motorsiklo at bisikleta, huli sa CCTV

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 03:57 PM

Isang motorsiklo at bisikleta ang nagkasalpukan na ikinasugat ng dalawang rider sa kahabaan ng Roosevelt Avenue sa Quezon City, Huwebes ng gabi.

Nakuhanan pa ng CCTV ang aksidente na ikinasugat ng driver ng motorsiklo na si Rowell Francisco at ng siklista na si Anacleto Alias pasado alas-8 ng gabi.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nagbibisikleta si Alias sa kalsada kontra sa daloy ng ibang sasakyan.

Maya-maya pa, umakto itong tatawid ng kalsada sabay biglang dating ng isang motorsiklo. 

Walang nakaiwas at nagkasalpukan ang dalawa. Parehong tumilapon ang dalawa pero mabuti na lamang at agad na naiwasan ng isang pampasaherong jeep ang siklista.

Sa video makikitang agad nakatayo ang babaeng angkas ng motorsiklo habang itinatayo naman ang lalaki. Agad din tinulungan ng taumbayan ang sakay ng bisikleta. 

Dumating agad ang ambulansiya at itinakbo sa ospital ang mga nasugatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.