Pagawaan ng paputok, walang permit, nadiskubre sa Taal

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 05:00 PM | Updated as of Dec 15 2017 05:10 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Kumpiskado ng mga pulis ang nasa 200 pirasong paputok at ilang mga gamit at materyales sa paggawa nito.

Ito'y matapos ikasa ang operasyon laban sa ilegal na pagawaan ng paputok sa Brgy. Zone 8, Taal, Batangas.
    
Ayon sa Taal police, hindi bawal ang mga nakuhang firecrackers pero walang kaukulang permit ang nasabing pagawaan.

"So bale ang nakuha namin sa kanila ay 'yung mga gawa na kuwitis, mga ire-repack na for selling, mga potassium nitrate. 'Yung black powder. Mga ingredients para makagawa po ng kuwitis," ani Senior Inspector Ma. Carizza Matel-Morallos, hepe ng Taal Municipal Police Station.

Bukod sa walang permit, delikado rin ang puwesto ng pagawaan ng paputok dahil malapit umano ito sa residential area.
 
Arestado ang magkapatid na Berilo at AJ Asebuche na namamahala sa pagawaan. 

Depensa naman ng dalawa, ligtas ang paggawa nila ng paputok na minana pa nila sa kanilang ama.

Hindi na rin umano sila kumuha ng permit dahil tuwing Disyembre lang ang kanilang negosyo. 

"Mahirap kumuha ng permit. Kailangan ng malaking pera du'n. 'Tsaka matagal ang lakad-lakad," paliwanag ni Berilo.

Nahaharap ang magkapatid na Asebuche sa kasong paglabag sa Republic Act 7183 o batas sa pagbebenta at paggawa ng paputok. 

--Ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.