NBI, nag-iimbestiga na rin sa pagpaslang sa mag-ina sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 10:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patuloy ang pagluluksa ng overseas Filipino worker na si Marlon Gamos matapos ang brutal na pagpatay sa kaniyang asawa na si Ruby at pitong taong gulang na anak sa General Trias, Cavite.

Agad na napauwi si Gamos mula Abu Dhabi matapos malaman na natagpuang patay ang kaniyang mag-ina sa loob ng kanilang bahay noong Disyembre 11.

Ilang araw na palang patay ang mag-ina kaya't selyado na ang kanilang mga bangkay sa burol at tanging damit na lamang nila ang makikita.

Sa burol, nakapatong na lamang sa kabaong ang mga mamahaling tsokolate at mga paborito nilang pabango na pasalubong sana ni Gamos.

Hiling naman ng kaibigan ni Ruby na si Jovie Gulles, sana'y magparamdam sa kanila ang biktima at magbigay ng senyales sa tunay na salarin sa krimen. Hiling din niyang sumuko na ang suspek.

"Sana magparamdam siya o kay Marlon. Sana magbigay siya ng sign kung sino ang gumawa. Kasi they don't deserve this. Napakabuti niyang tao. Sana sumuko na [ang suspek]. Sana makonsensiya na siya kasi for sure may mahal siya sa buhay," humahagulgol na pakiusap ni Gulles. 

Kinondena naman ng grupong United Filipino Seafarers (UFS) ang pagpatay sa mag-ina ng kapwa OFW.

"Nagtatrabaho kami sa ibang bansa para sa kinabukasan ng pamilya...So napakasakit para sa isang marino na malaman ang pamilya niya na pinaslang nang ganu'n," ani Nelson Ramirez, presidente ng UFS.

Payo niya kay Marlon, magpahinga muna bago bumalik sa trabaho.

Dumating naman ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa burol matapos atasan ng Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang kaso.

Tuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya kung saan may tatlong persons of interest na silang tinututukan.

Itinaas na rin ni General Trias City Mayor Antonio Ferrer ang pabuya sa P200,000 para matukoy agad ang salarin sa pamamaslang sa mag-inang Gamos.

Handa rin silang tumulong sa mga gastusin ng pamilya sa pagpapalibing.

--Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.