Korte sa Batangas, nabulabog ng bomb scare

Ronilo Dagos, ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 05:23 PM

Nabulabog ang isang korte sa Batangas matapos na makatanggap ng text message ang isa sa mga piskal doon na pasasabugin ang gusali, Huwebes ng hapon.

Agad na pinalabas ang mga kawani ng Regional Trial Court Branch 87 sa Poblacion C sa bayan ng Rosario para bigyang daan ang awtoridad na mainspeksiyon ang gusali.

Pero nag-negatibo naman sa kahit anong klase ng pampasabog ang gusali.

Ayon sa imbestigasyon ng Rosario police, alas-2:10 ng hapon nang makatanggap ng text message si Senior Assistant Prosecutor Maria Antoinette Capuno-Beloso mula sa numerong 0939-640-6484 na nagsasabing “Fiscal, pausap na ho, kayo ho ay lumabas na ng building. Hindi ho kayo ang pakay namin pasabugin. Mga taga RTC lang ho. Labas na ho kayo.”

Ipinagbigay-alam nila agad ito kay RTC Presiding Judge Rose-Marie Manalang-Austria, na siya namang nag-utos sa mga empleyado na lumabas ng gusali.

Patuloy na iniimbistigahan na ng awtoridad kung sino ang nagpadala ng text message at kung anong motibo nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.