Kasong 'mass murder' kay Noynoy, 'clip art' ang laman

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 11:34 PM | Updated as of Dec 15 2017 11:35 PM

Kuha ni Adrian Ayalin

Nagmukhang assignment para sa eskuwelahan ang hinaing reklamo ni dating Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) Director General Augusto Syjuco laban kay dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino kaugnay umano ng kapabayaan nito sa pagbili ng Dengvaxia.

Ang dahilan, tinadtad kasi ni Syjuco ng sari-saring "clip arts" o larawan ang kaniyang complaint na ipinasa sa Office of the Ombudsman. 

Kasama rin sa reklamo si dating Health Secretary Janette Garin.

Bukod pa rito, ang kaniyang mga reklamong "mass murder" at plunder ay ibinase umano niya sa higit 20 news clipping at hindi sa mga legal na dokumento. 

"I am asking the Ombudsman to investigate, that is the purpose of the Ombudsman," depensa ni Syjuco. 

Mainit na usapin ngayon ang Dengvaxia ng French pharmaceutical company na Sanofi Pasteur matapos itong isama sa national immunization program ng pamahalaan noong 2016.

Ngunit natuklasan nito lamang nakaraang buwan na maaaring magdulot ito ng mas malalang dengue sa mga nabakunahang hindi pa nagkakaroon ng nasabing sakit. 

Sa tala ng Department of Health (DOH), nasa higit 800,000 libong estudyante ang naturukan ng bakuna.

Iniimbestigahan na ng Kongreso ang isyu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.