10 'nagtuturok' ng tinubigang shabu, timbog sa motel

ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2017 10:28 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Arestado ang 10 na nagda-drug session umano nang salakayin ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang motel sa Barangay E. Rodriguez sa Cubao, Quezon City nitong Biyernes ng madaling araw.

Alas-4 ng madaling araw nang pasukin ng mga taga-QCPD ang isang silid sa motel at tumambad sa kanila ang mga lalaki na target ng operasyon.

Kabilang sa mga inaresto ang tatlong itinuturong tulak ng shabu na kinilalang sina Marco Cruz, John Paul Mallari, at Jovani Guimeroy.

Ayon sa QCPD-District Drug Enforcement Unit, palipat-lipat ang mga suspek ng motel na pinagdadausan ng kanilang drug session. 

Napag-alaman din na hinahaluan pa ng tubig ang shabu na ginagamit ng mga naaresto bago iturok sa ugat para mas madali umano silang tamaan.

"Dinudurog po 'yung shabu, ginagawang liquid through sterile water then isasaksak sa ugat nu'ng drug dependent. Mas mabilis umepekto 'tong liquid," ayon kay Chief Inspector Ferdinand Mendoza. 

Nasa 35 sachet ng shabu ang narekober ng mga pulis na may market value na P100,000. 

Aminado naman ang mga suspek na nagtutulak sila ng droga.

Pero bukod sa drug session doon, iniimbestigahan na rin ng QCPD kung may nagaganap ding protitusyon sa motel. 

"Siguro may prostitution, 'yun ang amin pang iniimbestigahan. 'Yung isang lalaki na drug dependent, kakausapin itong drug pusher at kung gusto niyang makagamit, kapalit nito 'yung pagtuturok ng droga," ani Mendoza. 

Inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang pinagkukuhanan ng droga ng mga nahuli.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.