EXCLUSIVE: Kerwin Espinosa, nasa kustodiya na ng NBI

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2016 08:59 AM | Updated as of Dec 15 2016 09:40 AM

MANILA - Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano'y drug lord na si Kerwin Espinosa na inilipat mula sa Camp Crame, Miyerkules ng gabi.

Dakong alas-11 ng gabi inihanda ng Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) ang paglilipat kay Espinosa, alinsunod sa utos ng korte.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Espinosa na mas kampante sana siya sa kustodiya ng PNP-AIDG kahit pa sa kamay ng mga pulis namatay ang kanyang ama na si Albuera Mayor Rolando Espinosa.

Nais na rin kase niyang mapasailalim sa witness protection program.

"Sana mabigyan din ako ng NBI ng proteksyon," sabi ng nakababatang Espinosa na nais mapasailalim sa Witness Protestion Program.

Hindi anya nawawala ang kanyang takot na matulad sa sinapit ng amang napaslang matapos umanong manlaban sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nag-inspeksyon sa kanyang selda sa Baybay City sub-provincial jail sa Leyte noong Nobyembre 5.

"Hindi naman talaga nawawala sa isip ko, sa puso ko, na pwedeng mangyari sa akin ang nangyari sa papa ko. But sa AIDG, malaki ang tiwala ko sa kanila dahil pagdating ko pa lang, ang seguridad ko, nakita ko na talagang safe talaga ako -- hindi katulad nung mga CIDG na gumawa sa papa ko," ani Espinosa.

Naniniwala rin si Espinosa sa resulta ng imbestigasyon ng NBI na nagsasabing hindi nanlaban kundi sadyang pinatay ang kanyang ama.

"Nagpasalamat ako sa resulta ng NBI sa kanilang imbestigasyon na hindi shootout, kundi rubout kasi iyun naman talaga ang totoong nangyari based sa mga witnesses na nasa loob ng kulungan," sabi niya.

Natapos na ni Espinosa ang kanyang supplemental affidavit na naglalaman ng detalyadong impormasyon ng mga personalidad na sangkot sa kanyang mga drug deal.

Boss K's Web: Espinosa names police protectors, drug sources

Hinihintay na lamang niya ang desisyon kung maipapasok na siya sa WPP.