5 patay sa salpukan ng 2 van sa Leyte

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Dec 15 2016 10:28 PM

LEYTE - Limang pasahero ng van ang namatay matapos magkabanggaan ang dalawang van sa bayan ng Villaba sa Leyte Miyerkules ng hapon.

Ayon sa report mula sa Police Regional Office 8, nangyari ang aksidente sa Sitio Mahanglad, Barangay Tumamak.

Sa inisyal na imbestigasyon ng otoridad, ang dalawang van ay nagbibiyahe sa magkaibang direksyon.

Ang isang van na minamaneho ni Themistocles Hortellano, Jr. ay galing Palompon, Leyte at patungong Ormoc City, samantala ang isang van naman na minamaneho ni Alfredo Salvador ay galing Tacloban at patungong Palompon.

Pagdating ni Salvador sa nasabing lugar, nawalan ito ng kontrol sa manobela ang driver dahil sa madulas na kalsada kaya bumangga ito sa van ni Hortellano.

Kinilala ang limang namatay na sina Orlando Raagas, Junie Gardon, Lenie Moe, Husseinali Ramzan na isang Indian national, at isang kinilala lamang na "Umpad".

Labing-dalawang pasahero naman ang nasugatan sa aksidente at patuloy na ginagamot sa hospital.