PatrolPH

ALAMIN: Mga rehiyon kung saan ipagpapaliban, matutuloy ang nat'l vaccine drive

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2021 02:03 PM | Updated as of Dec 14 2021 09:13 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Ipagpapaliban ang ikalawang round ng national COVID-19 vaccination days sa ilang lugar sa bansa dahil sa banta ng bagyo.

Nakatakdang idaos sa Miyerkoles hanggang Biyernes ang ikalawang bugso ng national vaccine drive, na target makapagbakuna ng 7 milyon indibiduwal.

Pero ayon sa National Task Force Against COVID-19, ipagpapaliban muna ito sa Mimaropa, Bicol Region at buong Visayas at Mindanao dahil sa isang bagyong inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility.

Tuloy naman ang pagbabakuna sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, National Capital Region at Calabarzon, sabi ni NTF deputy chief implementer Vince Dizon.

Sa Lunes, Disyembre 20, hanggang Miyerkoles, Disyembre 22 na lang idaraos ang malawakang pagbabakuna sa mga lugar kung saan maaantala ito, ani Dizon.

Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ahensiya at lokal na pamahalaan na bantayan ang pagdating ng Bagyong Odette.

Inaasahang lalakas at magiging isang typhoon si Odette, at magla-landfall ito sa may Eastern Visayas at Caraga, ayon sa PAGASA.

Idinaos noong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 3 ang unang round ng national vaccination days, na nakapagturok ng nasa 10 milyon bakuna.

Target ng pamahalaan na makapagbakuna ng hanggang 77 milyon sa bansa para makamit ang herd immunity laban sa COVID-19.

Sa huling tala, umabot na sa 41 milyong Pilipino o nasa 53 porsiyento ng target population ang fully vaccinated laban sa COVID-19.

Dumating nitong gabi ng Lunes ang 1.5 milyong dose ng COVID-19 vaccines ng Johnson & Johnson.

Ito ang unang batch sa 7.5 milyong Janssen vaccine doses na donasyon ng Netherlands sa Pilipinas.

Ayon kay Dutch Ambassador to the Philippines Saskia de Lang, umaasa silang mabilis na madadala ang bakuna sa mga vaccination site, lalo na sa mga liblib na lugar at sa Bangsamoro region.

— May ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.