Presyo ng lechon sa La Loma tumaas na habang papalapit ang Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2021 09:48 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Dumarami na ang bumibili ng lechon sa La Loma, Quezon City lalo’t papalapit na ang Pasko.

Pero isang linggo bago ang noche buena, tumaas ang presyo ng mga lechon. Ang maliit na size ng lechon na nagkakahalaga ng P5,000 ay umakyat na sa P7,000. Ang pinakamalaki na dati ay P12,000 ay P15,000 na ngayon.

Karaniwan ay alas-4 pa lang ng madaling araw ay bukas na ang mga tindahan sa La Loma, depende na rin sa dami ng order. Nasa 20 mga baboy ang nilelechon ng isang tindahan sa lugar araw-araw.

Ayon sa may-ari ng isang tindahan, mas malakas ang bentahan ngayon kahit tumaas ang presyo kumpara noong nakaraang taon.

Inaasahan din nila na mas lalakas pa ang bentahan ngayong paparating na ang Pasko lalo na sa mga grupo, pamilya at kumpanya na umoorder para sa mga handaan katulad ng mga Christmas party at sa noche buena.

Nagkaroon naman ng inspeksiyon ang QC Veterinary Office para matiyak na malinis ang pagkatay sa mga baboy at ang mga preparasyon bago litsunin ang mga baboy.
 
- TeleRadyo 14 Disyembre 2021