Negosyante pinatay ng riding in tandem sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2020 08:34 AM

Patay ang isang negosyante sa pamamaril ng riding-in-tandem bandang alas-6 ng umaga nitong Lunes sa Barangay Marana 1st, Ilagan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Manuel Camungao, 44, at may-ari ng junkshop sa Barangay Santa Victoria, Ilagan City.

Ayon kay Police Lt. Col. Virgilio Abellera Jr, hepe ng Ilagan City Police, galing ang biktima sa kanilang bahay at papunta sana sa bayan ng Cabagan sakay ng kaniyang forward truck.

Pero tinambangan ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo saka pinagbabaril ang sasakyan ng biktima pagdating sa pinangyarihan ng insidente.

Nagawa pa ng biktima na makababa ng sasakyan at tumakbo kaya lang ay nahabol ng mga suspek kung saan ay nabaril nila ito sa ulo na dahilan ng agaran niyang pagkamatay.

Tinutugis na ngayon ng mga pulis ang dalawang suspek na tumakas sa direksiyon ng Barangay Baligatan.

Patuloy din ang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operative para makakuha ng mga ebidensiya.

Inaalam pa ang motibo ng pagpatay sa biktima.