PatrolPH

Ilang truck humabol pa ng biyahe sa pagsisimula ng truck ban

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2020 12:59 PM

Ilang truck humabol pa ng biyahe sa pagsisimula ng truck ban 1
Bumibiyahe pa rin ang ilang truck sa Tondo, Maynila nitong Disyembre 14, 2020 sa kabila ng muling pagpapatupad ng truck ban sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. ABS-CBN News

Siyam na buwan mula nang magsimula ang community quarantine dahil sa COVID-19, sinimulan na ulit ipatupad ng Metropolitan Manila Development Authority ang truck ban.

Nauna nang sinabi ng ahensiyang kailangan ito para maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, lalo ngayong holiday season.

Pero sa Mel Lopez Boulevard o Road 10 sa Maynila, maya't maya pa rin ang pagdaan ng mga truck kahit pagpatak ng alas-6 ng umaga nitong Lunes, na simula ng truck ban.

Hindi umano alam ng ilang driver ang paghihigpit, habang may ibang humahabol ng biyahe, lalo't maaapekthuan ang kanilang mga delivery kung alas-10 ng umaga pa sila makabibiyahe.

"Mahirap 'pag may truck ban kasi mahirap 'pag puro biyahe, 'pag tanghali na kami mag-deliver," anang driver na si Allan Gamay.

Watch more on iWantTFC

Umaasa naman ang ibang driver na lusot sila sa truck ban kung may travel permit papuntang Manila North Harbor.

Pero nilinaw ng mga tauhan ng Manila Traffic And Parking Bureau na walang exempted sa truck ban.

Dahil dito, susunod na lang daw ang mga driver.

"Hindi kami dadaan kasi mahal ang tubos 'pag nahuli kayo ng truck ban," anang driver na si Jeffry Suyom.

"Mag-aantay ng oras ng truck ban bago tumakbo. 'Pag mahuli ka naman, wala rin kikitain mo. Mauwi lang sa pagtubos ng lisensiya," dagdag niya.

Pagsapit ng rush hour, wala na ang pila ng mga truck sa Pier sa Maynila.

Nasa P2,000 ang multa sa driver na mahuhuling lalabag sa truck ban.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.