PatrolPH

Ilang taga-Rodriguez, Rizal di pa rin nakababangon mula sa pananalasa ng 'Ulysses'

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2020 01:07 PM

Ilang taga-Rodriguez, Rizal di pa rin nakababangon mula sa pananalasa ng 'Ulysses' 1
Iniinda pa rin ng ilang residente ng Rodriguez, Rizal ang epekto ng Bagyong Ulysses, higit isang buwan matapos tumama ang bagyo. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Hindi pa rin natatanggal mula sa bubong ni Nena Oso, residente ng Rodriguez sa Rizal, ang kahong inanod doon ng lagpas-bahay na baha noong Bagyong Ulysses.

Umuwi si Oso nang tuluyan sa kaniyang bahay nang maialis ang mga putik sa kanilang lugar sa Phase 1K2, pero nakikitira pa rin umano sa ibang bahay ang mga anak niya.

"'Pag umuulan po, tumutulo. Shower po siya. 'Pag natutulog ako at umuulan, usog-usog sa walang tulo," kuwento ni Oso, na idinaing din ang hirap ng pananatili sa evacuation center.

Regular na dinadampot ang mga basura at putik na nililinis ng mga residente sa kanilang mga bahay.

Pero aminado ang mga residente na hirap sila sa paglilinis dahil wala pa ring daloy ng tubig. Nag-iigib muna sila sa mga poso.

Watch more on iWantTFC

Higit isang buwan mula nang tumama ang Bagyong Ulysses, bumalik na ang kabuhayan at aktibidad sa Kasiglahan Village sa Rodriguez, Rizal.

Pero sa mga bahagi ng village na matinding tinamaan ng pagbaha, patuloy pa rin ang pagharap sa hamon ng mga residente.

Kakaunti na lang ang mga pamilyang piniling maiwan sa evacuation center, gaya ni Joel Apsay.

Binibisita lang ni Apsay ang bahay araw-araw para ipagpatuloy ang paglilinis, pero malayo pa raw bago ito bumalik sa dati.

"Gusto lang namin malaman kung may relocation ba na sisikapin ang gobyerno, kasi tao naman din kami naninirahan dito," ani Apsay.

Sagana man sa ayudang pagkain, hiling ng mga apektadong residente ngayong Pasko na mabigyan sila ng pangmatagalang tulong.

Huwag umano sana silang pabayaan hanggang tuluyan nang makabangon.

"Ang hinihiling sana namin, iyong gamit pang-kusina. Mga kaldero, kung mayroon man sa kabutihang-loob nila," ani Oso.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.