PatrolPH

Dami ng pasahero sa PITX inaasahang papalo sa 70k/araw habang papalapit ang Pasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2020 03:37 PM

Dami ng pasahero sa PITX inaasahang papalo sa 70k/araw habang papalapit ang Pasko 1
Humihingi ng pag-unawa ang PITX sakaling may delay sa mga biyahe lalo't papalapit na ang Pasko. Screengrab, ABS-CBN News footage

MAYNILA — Nasa 70,000 pasahero na pauwi ng probinsya ang inaasahang dadagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kada araw habang papalapit ang Pasko.

Ngayon pa lang kasi, kahit limitado ang mga pasahero na makakasakay ng provincial bus, pumapalo na sa 60,000 hanggang 65,000 ang bilang ng nga pasahero kada araw sa PITX.

Malapit-lapit na rin ito sa bilang ng mga pasahero bago ang pandemya.

Kamakailan, binisita ng Transport officials ang PITX para tingnan kung nakasusunod ito sa mga protocol para sa kaligtasan ng kalusugan.

Ang sistema kasi sa pag-book ng biyahe sa provincial bus, kailangan 2 araw bago ang schedule ay makapag-book online sa napiling bus o ruta.

Kapag may kasamang bata o senior citizen, kailangan may travel authority.

Bago makapasok, kukunin ang temperatura. Doon pa lang tinitingnan na kung may travel authority ang mga bata at senior citizen.

Dahil dito, humihingi ng pag-unawa ang PITX sakaling may delay sa mga biyahe. 

"Makaaasa sila ng pagtagal... kaya nanghihingi tayo ng pang-unawa [dahil] baka magkaroon ng kaunting delay sa kanilang byahe. Nakikita natin na pataas nang pataas ang bilang ng pasahero," ani PITX spokesperson Jason Salvador.


—Mula sa ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.