'Gumaling na't lahat': Ex-OFW higit 1 taon nag-intay sa sickness benefit sa SSS

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2019 05:47 PM | Updated as of Dec 14 2019 07:20 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Masama ang loob ng isang dating overseas Filipino worker (OFW) dahil sa dinanas niyang hirap sa pagkubra ng benepisyo mula sa Social Security System (SSS).

Paano ba naman, nagkasakit, gumaling, at nagkasakit nang muli si Lorna Torno, pero ni isang kusing na SSS sickness benefit ay hindi pa rin niya nakukuha. 

Kuwento ni Torno, matagal siyang OFW sa Hong Kong at nagdesisyong umuwi sa Pilipinas noong 2006. Patuloy siyang naghulog sa SSS bilang "self-employed."

Nang magkasakit noong 2018, sinubukan niyang kumuha ng sickness benefit mula sa SSS pero dumaan ang 1 taon ay di pa rin niya ito nakukuha. 

Nitong Abril 2019, nagkasakit muli si Torno. Kahit hindi pa nakukuha ang unang claim, muling nag-apply ng sickness benefit si Torno.

Pero halos magpa-Pasko na, wala pa ring natatanggap ang SSS member. 

"Kumita na ang SSS sa contribution ko, now here I am, should I beg? Should I kneel down para lang mabigay ang benepisyo which is only P6,600, pinahihirapan pa ko?" ani Torno.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa SSS ang problema ni Torno at natuklasan ang ugat ng problema.

Hindi pala nabago ang dating "employed" status ni Torno noong OFW siya papuntang "self-employed" nang bumalik siya sa Pilipinas kaya hindi magtugma ang records.

"Nakaugalian po kasi ng ating miyembro na akala puwede magbayad agad ng dire-diretso. Hindi po puwede 'yun. Kaya inayos muna namin," sabi ni SSS spokesman Fernando Nicolas. 

Nitong Disyembre 10, sa wakas ay nakuha na ni Torno ang kaniyang benepisyo.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.