Bangkay ng lalaki natagpuang nakagapos, binalutan ng tape sa mukha

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2019 02:09 PM

Sa gilid ng daan natagpuan ang bangkay ng lalaki na nakagapos ang mga kamay at paa at nakabalot ng tape ang mukha


Nakabalot ng tape ang mukha at nakagapos ang mga kamay at paa ng bangkay ng isang lalaking natagpuan sa tubuhan sa tabi ng highway sa bayan ng Murcia sa Negros Occidental, Sabado ng umaga.

Ayon kay Police Maj. Robert Dejucos, isang tricycle driver na iihi sana sa tabi ng daan ang nakakita sa bangkay kaya agad itong humingi ng tulong sa awtoridad.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, may tama ng bala sa ulo ang biktima.

Hindi pa matukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktimang may tattoo sa tiyan na "MELVIN ODICTA" at isa pang tattoo na "CHRISTINE" sa kanang kamay.

Si Melvin Odicta ay itinuturing na top drug lord sa Iloilo at napatay taong 2016.

Dagdag ni Dejucos, maaring sa ibang lugar pinatay ang lalaki at sa naturang bayan itinapon.

Inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman ito sa kasong pagpatay sa isang negosyante na natagpuan din na naka-tape at nakagapos sa talahiban sa tabi ng daan sa Bacolod City noong Disyembre 3.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.