6 Chinese arestado sa umano'y kidnapping, rape

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2019 03:47 PM | Updated as of Dec 14 2019 07:15 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Anim na Chinese ang inaresto sa Bacoor City, Cavite noong Biyernes matapos umano dukutin ang 2 babae nilang kababayan at isang Vietnamese na hinihinalang minolestiya pa.

Ayon sa pulisya, lumapit sa kanila ang mga nobyo ng mga biktima matapos umano ma-kidnap ang mga babae noong Miyerkoles at Huwebes. 

Dinukot ang 1 Chinese at 1 Vietnamese sa isang restoran sa Pasay City habang ang 1 pang Chinese naman ay tinangay mula sa casino. 

Sabi ni Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) acting chief Lt. Col. Villaflor Bannawagan, siningil ang mga nobyo ng malaking halaga para mapalaya ang mga babae. 

Binayaran ng mga nobyo ang ransom, pero hindi pa rin daw pinakawalan ang mga babae, kaya nagsumbong na sila sa pulisya.

Natunton ang pinagtataguan ng gang kaya na-rescue ang mga banyagang babae. 

Doon na nila idinetalye ang umano'y pang-aabusong nangyari. 

"They raped me, they kidnapped me," ayon sa Vietnamese.

"We came here for tour. We don't know them, they don't know us. They kidnapped us, they want money. If we don't give money, they torture me," ayon naman sa isang Chinese. 

Ayon sa pulisya, may bakas pa ng torture ang mga biktima. 

"Sabi ng mga biktima, pinapalo, may pinakitang stainless bar and parang cutter sa kanila na kapag daw re-rape-in sila, tinutukan sila non. And may pasa pa sila sa mga maseselang bahagi," ani Police Lt. Col. Joel Saliba, public information officer ng PNP-AKG.

Nasa kustodiya na ng PNP-AKG ang mga suspek, na hindi umano makausap dahil hindi nagsasalita ng Ingles. 

Inaalam pa kung miyembro ng sindikato ang mga Chinese at kung ano ang motibo sa krimen. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.