DOTr pumalag sa 'pagmamatigas' ng Angkas

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2018 07:09 PM | Updated as of Jul 18 2019 12:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan ang Department of Transportation (DOTr) sa Angkas na respetuhin ang desisyon ng Korte Suprema (SC) at hayaan ang panghuhuli ng mga driver ng ride-hailing app na kumukuha pa rin ng mga pasahero. 

Ito ay kasunod ng pagsabi ng Angkas na patuloy ang kanilang operasyon maging ang pagbibigay ng kompanya ng discount o promo code sa mga customer sa kasagsagan ng desisyon. 

"The app still ongoing. We're continuing our operations," ani Angkas Public Affairs head George Royeca. 

Paliwanag ni DOTR Secretary Arthur Tugade, sinundan umano ng ahensiya ang kautusan na payagan ang Angkas na tumanggap ng pasahero. 

"Nu'ng nagkaroon ng decision sa mababang kapulungan... sinunod din namin yun. Ngayon may decision ang Korte Suprema eh sumunod din tayo," ani Tugade, na tumutukoy sa naunang kautusan ng Mandaluyong Regional Trial Court na payagan ang operasyon ng Angkas. 

 

Batay sa Section 7 ng Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code pinagbabawal gawing pampublikong sasakyan ang mga sasakyan na dadalawa lamang ang gulong, tulad ng pribadong motorsiklo, o scooter. 

Nanindigan si Tugade na pinapairal nila ang regulasyon sa panghuhuli sa mga Angkas drivers para sa kaligtasan ng mga commuter. 

"We are not against transport mode, we are for safe transport mode," aniya. 

Ayon kay Angkas public affairs head George Royeca, iaapela ng Angkas sa SC at LTFRB na payagan silang mamasada. 

"We will be filing comments and we're hopeful po that the Supreme Court will rule in favor of the riding public," ayon kay Royeca. 

Sinabi ni Tugade na bukas ang DOTR na makipagdayalogo sa pamunuan ng kompanya. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.