DOJ 'dismayado' sa hatol vs 4 Tsino na dawit sa 'floating shabu lab'

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2018 07:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Guilty sa kasong possession of illegal drugs ang naging hatol ng Olongapo City Regional Trial Court sa apat na Chinese na nahuli noong 2016 sa isang floating shabu laboratory sa Subic, Zambales.

Ginagawa ang shabu sa gitna ng karagatan lulan ng 50 metrong fish carrier vessel na nagsisilbing "shabu laboratory."

Habambuhay na pagkakakulong ang ipinataw na parusa kina Win Fai Lo, Shu Fook Leung, Kwok Tung Chan, at Kam Wah Kwok matapos marekober sa kanila ng mga pulis ang kalahating kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P2.5 milyon noong Hulyo 2016. 

Pinagbabayad din ang mga Chinese ng P5 milyon.

Sa pagbaba ng hatol nitong Biyernes, nag-iyakan ang mga kaanak ng mga suspek. 

"It is very unreasonable, the decision made today... We will seek help from the Beijing administration," ani Ivy Lo, kapatid ng isang nahatulan. 

"This is really unfair. I think they're really innocent," giit naman ni Winglam Leung, anak ng isa. 

'DI KUNTENTO'

Pero hindi naitago ng Department of Justice (DOJ) ang pagkadismaya sa pagkakaabsuwelto ng apat sa kasong manufacturing of illegal drugs.

"The Department of Justice welcomed the conviction of the accused on the possession charge but expressed dismay over the court's decision to acquit them on the charge of manufacture of illegal drugs," ani Justice Undersecretary Mark Perete. 

Pumapalag din ang abogado ng mga Chinese national dahil tila hindi umano binigyan ng pansin ng korte ang ipinrisentang videos na makapagsasabing walang bitbit na droga ang mga inarestong suspek.

"We were expecting total acquittal. The videos that were presented came from the media, so it came from an unbiased source. We believed we have a strong case," ani Atty. Seth Infante. 

Balak ng kampo ng mga Chinese na maghain ng motion for reconsideration.

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.