Diokno, 'nabastos,' di na magpapakita sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2018 09:54 PM | Updated as of Jul 18 2019 12:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Wala nang balak sumipot sa ano mang pagdinig ng Kamara si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno. 

Nakatakdang imbestigahan ng Kamara si Diokno dahil sa kontrobersiyal na "budget insertions" at ang umano'y pagpabor sa isang contractor sa bilyong pisong halaga ng mga proyekto. 

Pero ang kalihim, wala nang balak sumipot sa pagdinig at sinabing sumobra na ang "pambabastos" ng ilang miyembro ng Kamara sa paraan ng pagkuwestiyon sa kaniya.

"They have crossed the line eh. They have been disrespectful. They did not give me a chance to answer their questions so next time I will just send a written report," ani Diokno. 

Hinala ni Diokno, pinag-iinitan siya ng mga congressman dahil ayaw niyang ilabas ang pondo sa Motor Vehicle User's Charge o road users' tax na aabot sa P45 bilyon.

"I know for a fact that there are many graduating congressmen who are interested kasi sa tingin nila baka pabaon daw," ani Diokno. 

SUPORTA SA KALIHIM

Pumalag naman ang mga kalihim ni Pangulong Duterte at sinabing paglabag sa pagkakahiwalay ng kapangyarihan ng ehekutibo at lehislatura ang hirit ng mga mambabatas na magbitiw na si Diokno. 

"The congressional resolution urging [Diokno's resignation] is a sheer violation of the separation of powers," ayon sa nilagdaang pahayag ng mga kalihim na sina Finance Secretary Carlos Dominguez, Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, Bases Conversion and Development Authority CEO Vivencio Dizon, Transportation Secretary Arthur Tugade, Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat, Science and Technology Secretary Fortunato dela Peña, Interior Secretary Eduaro Año, at Trade Secretary Ramon Lopez.

Ayon sa Palasyo, posibleng hindi na payagan ang mga kalihim na dumalo ng hearing ng Kongreso.

"We have many options... One, we will decline any invitation if we feel that they will be repeating the same kind of treatment," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo. 

Sa Enero itinakda ng Kamara ang imbestigasyon laban kay Diokno. 

—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.