PatrolPH

Bangkay ng lalaki nahukay sa pribadong lote sa Benguet

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2018 01:19 PM

Bangkay ng lalaki nahukay sa pribadong lote sa Benguet 1
Nagulat na lamang ang bantay na rumoronda sa pribadong lote nang makita ang bagong bungkal na lupa na pinaglibingan sa lalaking biktima na may saksak sa likod. Justin Aguilar, ABS-CBN News


LOAKAN, Benguet – Isang bangkay ng lalaki na may saksak sa likod ang natagpuang nakalibing sa isang pribadong lote sa Sitio Apalan dito sa bayan, Huwebes ng hapon.

Nagpapatrolya sa binabantayang pribadong lote ang Bantay Gubat na si Agosto Saniben nang mapansing may bagong bungkal na lupa sa tagong bahagi ng lugar.

"Hinukay ko ng kaunti, bakit tao naman 'yung nakabaon? Natakot na ako kasi bago pa 'yan na nailagay diyan," ani Saniben.

Araw-araw umanong rumoronda si Saniben sa lugar kaya't alam niyang kalilibing pa lamang ng bangkay.

Walang pang-itaas na damit ang bangkay. Tanging pagkakakilanlan nito ang kaniyang suot na maong na pantalon, green na sinturon, at puting medyas.

"Based sa investigation ng SOCO [Scene of the Crime Operatives], na-find out nila na may saksak sa likod 'yung biktima at inaalam pa po nila 'yung pagkakakilanlan ng biktima," ani Chief Insp. Heherson Zambale ng Itogon Municipal Police Station.

Takot naman ang dala nito sa mga residente.

"Natatakot po kami lalo sa aking... may anak akong lalaki na gabi umuuwi... natatakot ako para sa kaniya. Lalo na ngayon, hindi mo alam kung anong nangyayari sa ating lugar," sabi ni Jenny Verzosa.
 
Nasa kustodiya na ng Itogon Municipal Police Station ang bangkay ng biktima.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.