Lolo, 2 anak at apo, arestado nang barilin, tagain ang kamag-anak sa Romblon

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2018 07:37 AM | Updated as of Dec 14 2018 10:55 AM

MANILA - Kinasuhan ng murder Huwebes ang 4 na magkakamag-anak matapos nilang patayin ang kanilang tiyuhin at ang karelasyon nito sa Romblon.

Dead on the spot ang mag-live in partner na sina Danilo Jungay, 59, at Christina Ferrera, 56, matapos silang pagbabarilin at pagtatagain sa loob ng kanilang bakuran sa Barangay Sta. Fe.

Kinilala ang mga suspek na sina 62-anyos na si Nelson Jungay, kapatid ng biktima, Ramil at Raigor Jungay na mga pamangkin ng biktima, si Razel Jungay na asawa ni Raigor at kanilang 18-anyos na anak na si Lester.

Nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang mga suspek at 2 biktima dahil sa away sa lupa nang bigla na lamang binaril ni Lester sina Danilo at Christina, ayon sa imbestigasyon ng mga pulis.

Pinagtataga rin ni Ramil si Christina habang si Raigor naman ang tumaga sa tiyuhin niyang si Danilo.

Nahuli ng mga awtoridad ang 4 na suspek habang patuloy pang hinahanap ang nakatakas na si Razel.

- ulat mula kay Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.