Umano'y gun for hire, patay matapos manlaban sa GenSan

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 09:50 PM

GENERAL SANTOS CITY - Patay ang isang lalaki matapos umanong manlaban sa pulisya sa Barangay Batomelong sa lungsod na ito Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Reden Moreno, alyas Ike, residente ng Sultan Kudarat. Isa umano siyang gun for hire at nangunguna sa listahan ng mga most wanted personalities ng pulisya.

Wanted siya sa kasong kidnapping, carnapping at serious illegal detention.

Ayon sa ilang residente, bumili pa ng alak sa tindahan si Moreno. Pagkalipas ng ilang minuto, bigla na lang umano umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril.

Ayon naman sa pulisya, maghahain sila ng warrant of arrest laban kay Moreno, ngunit hindi pa umano sila nakakalapit ay pinagbabaril na sila ng suspek.

Umiinom umano siya ng alak at nang matunugan ang pulisya, tumakbo umano siya at pinaputukan ang mga pulis.

Tinamaan pa umano ng bala ang hepe ng Station 8 na si Police Senior Inspector Roel Abejero nang magpaputok ang suspek pero buti na lamang ay nakasuot siya ng vest at bandolier na siyang tinamaan ng bala.

Tinamaan rin ng bala ang sinakyang patrol car ng pulisya.

Nakuha sa crime scene ang apat na basyo ng kalibre .45 at bala ng kalibre 5.56 na baril.

Kasalukuyan pang hinahanap ng pulisya ang baril na ginamit ng suspek. Hindi na umano nila ito nakuha dahil madilim ang lugar.

Ayon sa pulisya, dati nang nakulong ang suspek pero nakalaya siya. Hindi pa matukoy ng pulisya kung anong grupo ang kinabibilangan ng suspek.

Kasalukuyang nasa Labajo Funeral Homes ang labi ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.