Ubial, 'na-pressure' sa bakuna sa dengue ng asawa ni Garin

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 11:33 PM

Tila nagbangayan ang dalawang dating kalihim ng Department of Health (DOH) na sina Paulyn Ubial at Janette Garin sa Senado habang tinatalakay ang kontrobersiyal na pagbili ng Dengvaxia vaccine. 

Ito'y matapos ang rebelasyon ni Ubial na siya ay "na-pressure" na palawigin pa ang sakop ng vaccination program kahit na tutol siya dito.

Ayon kay Ubial, nagpalaan ng budget para sa 2018 ang asawa ni Garin na si Iloilo Rep. Oscar Garin Jr. upang ipagpatuloy ang vaccination program. 

"During budget hearings, I was pressured to expand [the program] to other areas, and let me note that in the last budget hearing that one of the representatives that asked me to buy more dengue vaccine and put it in the 2018 budget is no other than Oscar Garin Jr.," ani Ubial. 

Pero depensa ni Garin, hindi miyembro ang asawa niya ng Commission on Appointments (CA). 

"For the record, Oscar Garin Jr. is my husband at hindi po siya member ng CA. Listening to the minutes kanina, what I was hearing was that he was concerned na nabakunahan ang first dose, nabakunahan ng second dose, paano yung third dose?" ani Garin.

"My point here, Your Honor, is sino ho ba kami para impluwensiyahan ang CA? It's an independent body that should not be dragged in pointing accusations to the DOH," dagdag nito.

Matatandaang ilang beses na-bypass si Ubial ng makapangyarihang CA bago tuluyang na-reject.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.