Pasahe tataas kapag jeepney na-modernize?

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 11:08 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na hindi magdudulot ng mataas na dagdag sa pasahe ang jeepney modernization program ng gobyerno, taliwas sa tingin ng ilang tsuper at operator.

Dahil nasa P1.2 milyon hanggang P1.8 milyon ang halaga ng kada yunit ng modernong jeep, may ilang nangangambang ipapataw ng mga tsuper sa pasahero ang gastusin sa pamamagitan ng dagdag-singil sa pasahe.

"Doon sa usapin ng napakataas na acquisition cost, ang magiging epekto nito sa mga mamamayan, kung 'di titiyakin ng gobyerno na mababa ang pamasahe, tataas ang pamasahe na ibu-burden sa mga commuters," ani Glenis Balangue ng IBON Foundation, isang non-profit organization na nagsasagawa ng mga pag-aaral. 

Kasalukuyang may nakahaing petisyon ang ilang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na P2 dagdag sa base fare ng mga jeep.

Katuwiran ng mga petitioner, sa pangunguna ng grupong Pasang Masda, ang pagtaas ng presyo ng diesel at nagmahal na spare parts.

Kaya ayon sa DOTr, walang dapat ipangamba ang mga pasahero sa modernong jeep.

"'Yong fare hike increase, 'yong petition, borne out of increase of prices specifically on spare parts and that refers to itong existing fleet natin of old jeepneys," ani Transportation Undersecretary Tim Orbos.

"If you have the modern fleet, therefore 'yan po is not anymore a viable reason for them to request for a fare hike," ani Orbos.

Ayon sa DOTr, kikita pa umano ang mga tsuper at operator sa modernong jeep dahil mas malawak ito at mas maraming maisasakay.

Bababa rin umano ang maintenance cost dahil mas bago ang mga sasakyan. 

Tinitingnan din ng DOTr ang posibilidad ng P2 dagdag sa base fare ng mga modernong jeep na de-aircon.

Sang-ayon sa dagdag ang ilang pasahero basta't matiyak ang kaligtasan nila.

"Kung makaka-save naman ako sa sarili ko, 'yong di ka nasisikipan," ani isang pasahero.

"Konting dagdag na pamasahe, basta safe," pahayag ng isa pang pasahero.

Para naman sa grupong Piston, hindi agad mababawi ang pambayad sa yunit.

Ayon kay Bong Baylon ng Piston, kulang pa umano ang P1,000 kinikita ng tsuper para sa maintenance at pang-araw-araw na gastusin. 

Kabilang sa mga katangian ng modernong jeep, na aarangkada simula sa susunod na taon, ang pagbabawal sa mga sabit, at hindi pagbuga ng usok na nagdudulot ng polusyon.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.