Pagdawit sa kaanak ni Aquino sa 'right-of-way scam', walang basehan: Lacson

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 01:57 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Galit at takot daw sa mga dating kasamang gusto siyang patayin ang dahilan ni Roberto Catapang Jr. kaya niya inilantad ang tungkol sa umano'y sindikatong namemeke ng mga titulo ng lupa sa Mindanao.

Ang mga titulong pinepeke ay iyong mga lupang pasok sa "right-of-way" projects o mga lupang magagamit sa proyekto ng gobyerno.

Sabi ni Catapang, kabilang sa sindikato ang ilang taga-Department of Public Works and Highways (DPWH), Land Registration Authority, ilang korte, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Kumita umano ng halos P8.7 bilyon ang mga pekeng titulong ino-overprice.

Kabilang sa mga pinangalanan ni Catapang na dawit sa scam sina Wilma Mamburam, Col. Chito Mamburam, Nelson Ti, at Mercedita Dumlao.

Kabuuang 43 na indibidwal ang nabanggit sa sinumpaang salaysay ni Catapang.

Naging runner daw siya nila o tagaayos kung ano'ng pangalan, petsa, at puwesto ng lupa ang ilalagay sa pekeng titulo sabay benta sa gobyerno sa madalas ay mas mataas na presyo.

Paglalahad ni Catapang, P25 milyon lang ang kinita niya mula sa bilyon-bilyong pisong nakulimbat ng sindikato.

Nasa ilalim na ngayon ng witness protection program si Catapang, ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre.

Gayunman, walang naibigay na direktang testimonya si Catapang na nag-uugnay sa anomalya sa mag-asawang Ballsy at Eldon Cruz, kapatid at bayaw ni dating Pangulong Benigno Simeon "Noynoy" Aquino III.

Bukod sa mag-asawang Cruz, idinawit din sa isyu sina dating DPWH Sec. Rogelio Singson at Budget Sec. Butch Abad.

"Nakuha ko iyon [alegasyon] kina Wilam at Nelson Ti," ani Catapang.

"Wala pong nabanggit doon na pangalan ni Eldon Cruz, ni Ballsy Cruz, ni Secretary Singson or ni Secretary Abad. So hindi ko malaman kung bakit sinama 'yon," sabi ni Sen. Franklin Drilon.

"Walang basis at all," sabi ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson.

Si Sen. Bam Aquino na pamangkin ng mga Aquino, sinabing malinaw na ginamit ng sindikatong namemeke ng land titles ang pangalan nina Ballsy at Eldon Cruz. Ni wala nga aniya sa affidavit ni Catapang ang mag-asawa.

Saad ng pahayag ni Aquino: "It was clear in Catapang's presentation and testimony that their names were being wrongfully and maliciously used by the syndicate. They're not even mentioned in his affidavit." 

Masama naman ang loob ni Singson dahil idinawit na siya sa kontroberysa, inilagay pa siya ng Department of Justice sa immigration watch list.

Itinanggi niya ring may kinalaman siya sa anomalya.

"Sino bang natutuwa dito sa ganito? Tapos na 'ko ng anim na taon, babalikan ka pa," ani Singson.

Ipatatawag naman ang iba pang pinangalanan ni Catapang sa kaniyang affidavit sa susunod na pagdinig. 

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.