Nene, nahawa sa STD nang gahasain ng 13 anyos

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 12:03 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ginahasa at hinawaan pa ng sexually transmitted disease (STD) ang isang batang babae sa Zamboanga City.

Halos maiyak si alias 'Grace' nang malamang ginahasa ang kaniyang anim na taong gulang na anak na babae. Nadiskubre niya ito nang makitang may dugo sa underwear ng bata.

"Tinanong ko talaga siya, dineretso ko na siya, “sino ba ang gumalaw sa 'yo?” Pagkatapos sinabi niya ‘yung pangalan ng bata," kuwento ni Grace. 

Disyembre 9 umano nangyari ang panggagahasa at suspek ang 13 anyos na anak ng hipag niya.

Nangyari umano ang panggagahasa sa bahay ng suspek na itinuring na rin nilang pamilya.

Pero bukod sa panggagahasa, nahawaan ng binatilyo ng sexually transmitted disease ang bata.

Inamin ng binatilyo sa pulis na may sexually transmitted disease siya pero paiba-iba umano ang kanyang sagot kung paano niya ito nakuha.

"Sabi niya sa akin sa Sabah niya daw nakuha, no’ng dumating kami ng hospital sabi niya, iba na naman, nakuha niya daw sa kaibigan niyang babae,” ayon kay SPO1 Janet Arcena, imbestogador ng kaso. 

Ayon sa City Social Welfare and Development (CSWD) Office, maaaring nagkulang ang mga magulang sa paggabay sa binatilyo.

Overseas Filipino worker ang ina nito, nasa Tawi-Tawi ang ama, at lola lang ang nagbabantay sa binatilyo at kaniyang mga kapatid.

"Most likely ang ano natin diyan is on the guidance on the part of the parents, they might be misguided,” ayon kay Socorro Rojas, CSWD officer.

Kahit menor de edad, sinampahan ng ina ng biktima ang suspek ng kasong rape at paglabag sa special protection of children against abuse, exploitation and discrimination act.

Nasa pangangalaga ng CSWD ang binatilyo habang ginagamot na rin ang biktima pati ang suspek.

-- Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.