Mga nais manirahan sa US, pinayuhang magpetisyon habang puwede pa

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 04:46 PM | Updated as of Dec 14 2017 05:20 PM

Nagbabala ang isang US immigration lawyer sa panukala ni US President Donald Trump na limitahan ang "chain migration" bunsod ng mga pag-atake sa New York City kamakailan.

Ang chain migration ay isang proseso ng sunod-sunod na paglipat ng mga magkakamag-anak sa ibang bansa.

"Trump is making a lot of noise about chain migration ... he (Trump) may wanna start limiting family petitions," ani Atty. Michael Gurfinkel, isang immigration lawyer, sa programang "Usapang De Campanilla" nitong Miyerkoles.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ito'y matapos mapag-alamang mga migrante ang responsable sa pagpapasabog sa isang terminal ng bus noong Disyembre 11 at pag-araro ng isang pick-up truck noong Nobyembre. Nangyari ang mga insidente sa New York.

Ipinahayag din ni Trump ang kaniyang planong wakasan ang green card lottery program na nagbibigay ng US permanent resident visa sa 50,000 aplikante taon-taon, na nagdudulot din ng chain migration.

"I would also advise people now, if they still have those opportunity to file those petitions, they should do so before it's taken away," ani Gurfinkel.

Limitadong visa kada taon

Ipinaliwanag ni Gurfinkel kung bakit matagal maaprubahan ang mga petisyon para sa visa.

Ayon kay Gurfinkel, may partikular na bilang lang ng visa na inilalaan ang Amerika sa ibang bansa kada taon, na hinahati rin sa iba't ibang kategorya ng petisyon.

"Every year there's a certain number of visas per country, per category," aniya. "That’s one of the reason why there’s such a long wait for visas for the Philippines."

Mayroong iba't ibang kategorya ang hinahaing petisyon para magkaroon ng visa, tulad ng "family-based petition" para sa mga kaanak ng mga US citizen at "employment-based petition" para sa mga magtatrabaho.

Maigi rin umanong kumuha ng immigration lawyer bago maghain ng petisyon upang maiwasang makaranas ng mga pagkaantala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.