Mag-ina ng OFW, maaaring pinaslang ng 2 salarin: pulisya

Jamaine Punzalan, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 08:28 AM | Updated as of Dec 14 2017 08:29 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Maaaring 2 suspek ang nasa likod ng pagpaslang at pagnanakaw sa 7-taong-gulang na anak at misis ng isang overseas Filipino worker sa kanilang bahay sa General Trias, Cavite, sabi ng pulisya, Huwebes.

"Maaaring more than 1 po kasi iyung TV po na naka-mount sa wall, natanggal po. Most probably po, puwedeng 2 sila," sabi ni Supt. Sandro Jay Tafalla, hepe ng General Trias police, sa panayam sa radyo DZMM. 

Natagpuang patay sina Ruby Gamos at kanyang anak sa kanilang bahay sa isang gated subdivision sa Barangay Navarro nitong Lunes, matapos silang hindi makita nang ilang araw ng mga kaanak. 

Nilimas ang mga gamit sa loob ng bahay ng mga biktima at tinangay rin ang kanilang kotse, na natagpuan kinalaunan sa tapat ng isang sementeryo sa Imus, Cavite. 

Nitong Martes, dumating sa bansa ang padre de pamilyang si Marlon Gamos, isang seaman sa UAE. Huwebes ng gabi pa umano niya huling nakausap ang mag-ina nang padalhan niya ang mga ito ng selfie. 

Naniniwala ang mga imbestigador na posibleng kakilala ng mga biktima ang salarin dahil walang palatandaan ng forced entry sa bahay. Gayunman, wala pang natutukoy na suspek ang pulisya, ani Tafalla. 

"Sa ngayon po, wala po tayong suspek, subalit marami na po tayong nakuhanan ng statement gaya ng mga guwardya, kapitbahay, kaibigan, leader ng subdivision," sabi ng pulis. 

Mayroon naman aniyang itinuturing na person of interest sa kaso, pero "kailangan po ng ibayong pagsaliksik dito." 
 
Sinusuri pa ng mga imbestigador ang CCTV footage sa labas ng bahay ng mga biktima, na malapit sa guard house ng subdivision, dagdag ni Tafalla. 

Bumuo na aniya ng special investigation task group ang Cavite police para tutukan ang kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.