Lalaki arestado sa umano'y panghahalay sa kapitbahay na bata sa GenSan

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 09:42 PM

GENERAL SANTOS CITY - Arestado ang isang 19 taong gulang na lalaki sa umano'y panghahalay sa isang 8 taong gulang na batang babae sa lungsod na ito.

Sa imbestigasyon ng pulisya, laging nasa bahay ng biktima ang suspek dahil itinuturing na rin siyang parte ng pamilya.

Nitong Miyerkoles, nakita umano ng ina ng biktima na magkatabi ang suspek at bata na nakabalot sa kumot.

Nang tanungin ang anak, nagsumbong ito na ginalaw umano siya ng suspek.

Ligtas naman ang biktima at nasa pangangalaga ng mga magulang niya.

Ayon kay Police Chief Inspector Renato Salarda, sinabi ng mga magulang ng suspek na may diperensiya siya sa pag-iisip.

"Accordingly, 19 years old siya pero ang pag-iisip niya raw ay parang 12 years old. Gayunpaman, ifa-file pa rin namin at sila na ang bahalang magpasa ng documents sa court tungkol sa kanyang mental condition," aniya.

Ayon naman sa ina ng suspek, hindi siya makapaniwalang nagawa ng anak ang mga paratang sa kanya. Dagdag pa niya, mahina ang pag-iisip ng suspek.

"Bata pa po siya, ganyan na. Hindi po makapagsalita at 10 taon na siya nang makapagsalita. Hindi niya rin po maintindihan ang mga bilin sa kanya. Kung mainitindihan niya man pero mabilis lang, makakalimutan na naman,” aniya.

Hiniling ng pulisya na huwag nang pangalanan ang suspek para sa kapakanan ng biktima.

Sinampahan na ng kasong rape ang suspek, habang isinailalim naman sa eksaminasyon ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.