Kontrobersiyal na Christmas tree sa Baguio, tuluyan nang tinanggal

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 05:57 PM

Umani ng batikos mula sa ilang residente ng Baguio ang Tinatik Christmas tree sa itinayo sa Upper Session Road dahil sa disenyo nito. Richard Esguerra, ABS-CBN Sports

Tuluyan nang ipinatanggal noong Miyerkoles ang kontrobersiyal na Tinatik Christmas tree na nakatirik sa Upper Session Road, Baguio City.

Napagpasiyahan ng lokal na pamahalaan ng Baguio na ipatanggal ang puno matapos itong masunog noong Lunes, Disyembre 11.

Hanggang ngayo'y hindi pa natutukoy kung sino ang sumunog sa puno.

Ikinalungkot ng lokal na artist na si Maela Liwanag-Jose ang pagkakabaklas ng kaniyang obra, na umani ng kritisismo dahil sa disenyo nitong hindi pangkaraniwan para sa Christmas tree.

Hango sa kuwento ng pagkakalikha ng mundo sa Bibliya ang disenyo ng puno, na gumamit din ng mga simbolo mula sa Cordillera gaya ng bulul at tattoo.

Malayo ito sa nakasanayang Christmas tree na tadtad ng Christmas balls, poinsettia, at mga pailaw.

Ginamit ni Jose sa disenyo ng puno ang "tinatik" na nangangahulugang "drop of colors" o "tulo ng mga kulay." 

Ito'y isang art technique o pamamaraang inimbento mismo ni Jose kung saan direktang itinutulo ang pintura sa tela para bumuo ng mga disenyo. Hango ito sa mga istilong batik at tie-dye.

Kinuwestiyon ni Jose ang pagiging "art friendly" ng Baguio, sa kabila ng pagkakahirang sa lungsod bilang "creative city" ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o UNESCO.

"You know I realized this city is not friendly to art," ani Jose. "Is this the kind of consciousness we have?"

Una nang dinepensahan ni Councilor Elmer Datuin, chairman ng tourism committee ng Baguio, ang pambabatikos sa puno.

"This is a matter of appreciation. Kung nilalait-lait natin ang mga artist natin, kawawa naman ang mga artists natin," ani Datuin.

Ayon sa City Buildings and Architecture Office, aabot sa halagang P85,000 ang ginastos para ma-install ang puno.

-- May ulat nina Marianne Reyes, Melinda Ramo at Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.