Impeachment complaint vs. Ombudsman, inihain ng VACC

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 01:19 AM

Naghain ng reklamong impeachment laban kay Ombudsman Conchita Carpio Morales ang grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Inihain ang reklamong beripikado pero hindi inendorso sa Office of the Secretary General ng Batasan Pambansa. 

Ayon sa abogado ng VACC na si Jing Paras, walang sinumang kongresista ang nag-endorso sa kanilang inihaing reklamo. 

Base sa Konstitusyon, puwedeng ihain ang “ verified complaint” ng sinumang kongresista o mamamayan kung may endorsement ng sinumang kongresista. 

“It is a verified complaint, in the sense that we (complainants) have signed it but it is undendorsed still,” ani Paras.

("Beripikado ang reklamong pinirmahan ng complainants pero hindi pa ito ineendorso.")

Isa sa anim na reklamo laban kay Carpio Morales ay ang "betrayal of public trust" dahil sa umano'y pakikipagsabwatan kay over-all Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang para mailabas ang mga impormasyon ukol sa sinasabing transaksiyon sa bangko ni Pangulong Rodrigo Duterte at kaniyang pamilya.

Bukod sa VACC sa pamumuno ng chairman nitong si Martin Diño, kabilang din sa complainants ang mga kaanak ng Special Action Force members na nasawi sa engkuwentro sa Mamasapano noong 2015; mga lider ng mga grupong Tanggulang Demokrasya Inc. at Vanguard of the Philippine Constitution Inc.; pati na sina dating MRT General Manager Al Vitangcol and dating kongresista Glenn Chong at Jacinto Paras.

Kabilang sa iba pang impeachable offenses umano ni Carpio Morales ang graft and corruption sa isyu ng Anti-Money Laundering Council issue, at isa pang bilang ng graft and corruption at betrayal of public trust sa hindi pag-inhibit sa kasong may kinalaman sa statement of assets, liabilities and net worth ng kaniyang kapatid na si Lucas Carpio na biyenan ng anak ni Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. 

Nagkaroon din ng culpable violation of the Constitution o tahasang paglabag ng Saligang Batas, at betrayal of public trust si Carpio Morales nang hindi niya umano aksiyonan agad ang ilang reklamo kaya nabasura ito pagdating sa Sandiganbayan. 

Inakusahan din ang Ombudsman ng “selective justice” kina dating Pangulo Gloria Macapagal Arroyo, at dating Vice President Jejomar Binay Sr., Negros Oriental Gov. Roel Degamo, Vitangcol, dating Makati City Mayor Jejomar Erwin Binay Jr. at Dr. Elenita Binay, dating Senators Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Jr., Juan Ponce Enrile, JV Ejercito, Joel Villanueva, at Gregorio Honasan.

Naging biased din umano si Carpio Morales nang upuan niya ang reklamo laban kay dating Pangulong Benigno Simeon "Noynoy" Aquino ukol sa Mamasapano at ang noo'y kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program. 

Si Aquino ang nagtalaga kay Carpio Morales sa puwesto.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng Ombudsman na wala pa siyang kopya ng inihaing impeachment complaint. 

Saad ng pahayag ni Carpio Morales: "Until I get hold of a copy of the complaint, I have nothing to say."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.