Human rights advocates nanawagan sa paglaya ng kasamahan sa Abra

Denis Agcaoili, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 07:39 PM

Sumugod sa Abra Provincial Jail Miyerkoles ang mga taga-suporta ng inarestong environmentalist na si Sherwin De Vera para hilingin ang kaniyang paglaya.

Dumagsa ang mga miyembro ng Defend Ilocos, Ilocos Human Rights Alliance-Karapatan, Stop Exploitation, Solidarity of Peasants Against Exploitation-La Union at Ilocos Sur Ecumenical Movement para hilingin ang paglaya ni De Vera, na coordinator ng Defend Ilocos at regional coordinator ng Bayan Muna.

Martes ng hapon nang arestuhin si De Vera sa isang checkpoint habang papauwi sa Bantay, Ilocos Sur.

Sa text message ni De Vera na ipinost ng kaniyang mga kasamahan sa Facebook, kinaladkad at pinosasan umano muna siya bago ipinakita ng mga pulis ang warrant of arrest.

Pero giit ni Chief Insp. Edgardo Medrano, legal ang pag-aresto kay De Vera.

“Siguro version niya 'yun pero 'yung trabaho namin as part ng kapulisan, hindi naman siguro namin na-violate or legal ang pag-aresto sa kaniya,” ayon kay Medrano.

Ikinulong si De Vera Miyerkoles sa provincial jail at hindi pinayagan ang news team na makausap ang aktibisita.

Ayon kay Mary Ann Gabayan ng Ilocos Human Rights Alliance, nagulat sila sa biglaang pag-aresto kay De Vera.

“Mabilis ang pangyayaring naganap, lahat ay nabigla kasi naman hindi inaasahan sa katauhan ni Sherwin. Siya ay isang regional coordinator ng isang progresibong organisasyon, isang researcher ng Kaduami Incorporated at siya’y human rights advocate,” ayon kay Gabayan.

Sabi naman ni Zalfy Alfiler ng grupong Stop Exploitation, malinaw umano na ang pagaresto kay De Vera ay bahagi ng crackdown at panggigipit ng rehimeng Duterte sa mga kritiko at miyembro ng mga militanteng grupo.

“Isa rin itong naglalarawan dito sa part natin dito sa Ilocos region, sa ngayon ay masasabi nating mayroong undeclared martial law,” ayon kay Alfiler.

Samantala, nagkaroon naman ng komosyon nang paalis na ang mga grupo at biglang hablutin ng isang lalaking naka-motorsiklo ang hawak na cellphone ni Lee Biscara ng Solidarity of Peasants Against Exploitation-La Union. Nakorner agad ang salarin at nabalik ang cellphone.

“Identified po 'yan na intelligence [officer] batay dun sa mga kasama din namin sa area. In-approach po namin dahil nagvi-video po sila kaya vinideo din po namin sila dahil natatakot po kami sa aming seguridad sa kanilang ginagawa dahil pinapadala naman po nila 'yan sa mga militar at 'yun 'yung ginagamit nilang mga rason para i-harass kami,” ayon kay Biscara.

Walang piyansa ang kasong rebelyon na isinampa laban kay De Vera at 11 pang kasama na ngayon ay hindi pa naaaresto.

Noong Mayo 30, 2013 nakitang kasama umano si De Vera sa isang engkuwentro sa pagitan ng umano’y New People’s Army (NPA) at Philippine Army sa Barangay Malibcong, Abra.

“It is alleged in the information that they are supposed to be members of the NPA, which we all know is the military arm of the CPP (Communist Party of the Philippines)," ayon kay Judge Corpus Alzate, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 2 ng Bangued.

"So if they are members of that, as we all know also, the President (Rodrigo Duterte) just declared them to be a terrorist group. But nonetheless, for purposes of the case, it is a simple rebellion as far as Mr. De Vera is concerned. Can they prove it by this single incident of the encounter with the members of the Army? That is for the prosecution, that is their challenge,” aniya.

Haharap sa arraignment si De Vera sa Enero 4, 2018. Plano namang mag-motion for bail ng kaniyang kampo.

Nauna nang idineklara ni Pangulong Duterte ang NPA na isang terrorist group matapos ang pagpalya ng usapang pang-kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng komunista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.