Hagupit ni Urduja: 7 bahay nasalanta sa Misamis Or.

Maricel Butardo, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 03:22 PM

Pitong bahay ang nasira sa baha at pagguho ng lupa dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan dala ng bagyong Urduja Huwebes ng umaga sa Misamis Oriental.

Apat na bahay sa munisipalidad ng Lagonglong ang nawasak habang isa naman ang bahagyang nasira sa baha.

Isa namang bahay sa munisipalidad ng Balingasag ang nawasak din habang isa rin ang bahagyang nasira sa landslide.

Marami rin mga behikulo ang stranded sa kinukumpuning Musi-musi Bridge na kumukonekta sa Barangay Baliwagan at Talusan. 
Kasalukuyang isinasagawa ang road widening project ng Department of Public Works and Highways sa naturang tulay.

Binuksan naman ang isang bahagi ng tulay para makadaan ang naantalang mga sasakyan pero tanging light vehicles lamang tulad ng motorsiklo ang pwede makadaan dito.

Bandang tanghali na nang tuluyang pahintulutan ang mga behikulo na dumaan sa tulay.

Pinayuhan naman ng awtoridad ang ibang motorista na gamitin ang diversion road sa Villanueva-Claveria-Gingoog route.

Samantala, hindi rin nakaligtas sa baha ang Mother of Perpetual Help Church sa Barangay Baliwagan na umabot hanggang bewang ang tubig-baha.

Sinuspinde rin kanina ang klase sa lahat ng antas sa mga bayan ng Balingasag, Lagonglong, Claveria at Opol.

Nailikas na sa Balingasag Elementary School ang mga residente ng 18 kabahayan sa Barangay Cala-cala, habang aabot sa 1,000 residente naman ang dinala na mula sa Barangay Kabulawan sa Lagonglong patungong Kabulwan Elementary School.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.