'Batayan ng pinalawig na batas militar, di tugma sa Saligang Batas'

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 05:33 PM

Iginiit ng isang grupo ng mga abogado na hindi tugma sa mga pangangailangang hinihingi ng Saligang Batas ang mga batayang ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte para palawigin ang batas militar sa Mindanao.

"Palusot lamang siya. Ginagamit lang na dahilan para pagtakpan [kung] ano ba talaga 'yung agenda na gusto ng ating martial law administrators," ani Atty. Edre Olalia, pangulo ng National Union of Peoples' Lawyers (NUPL), sa panayam ng "Umagang Kay Ganda" nitong Huwebes.

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumusot sa Kongreso noong Miyerkoles ang hiling ng Pangulo na manatali ang batas militar sa Mindanao hanggang Disyembre 31, 2018 matapos makakuha ng boto mula sa 240 mambabatas.

Ayon kay Duterte, makatutulong ang batas militar para puksain ang mga aktibong terorista gaya ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at New People's Army (NPA). 

Nakapaloob sa Saligang Batas na maaari lang magdeklara o palawigin ang batas militar kung mayroong rebelyon, invasion o pagsalakay, o banta sa seguridad ng publiko.

Katuwiran ni Olalia ay hindi tugma sa pamantayang ibinigay ng Saligang Batas ang mga dahilang ibinigay ng Pangulo. 

"Napakalinaw po ... actual na invasion o rebellion, aktuwal ah, hindi 'yong iniisip lang, 'di 'yong tapos na," ani Olalia. "May aktuwal na umiiral."

Kinuwestiyon ni Olalia kung bakit hindi ipinatupad ang batas militar noong mga nakaraang administrasyon sa kabila ng mga banta ng ilang mga grupo, gaya umano ng NPA. 

"Since 1968 lumalaban na sila (NPA), eh bakit hindi nagkaroon ng batas militar?" aniya.

Nangangamba si Olalia na posibleng palawakin ang batas militar sa buong bansa.

"Di malayo na maisip natin na baka ito’y, kumbaga, prelude o paghahanda sa pangmalawakan at pambansang batas militar," ani Olalia.

Una nang sinabi ng Pangulo na depende sa mga kilos ng mga teroristang grupo kung palalawigin ang batas militar sa buong bansa at sa rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.