Bagyong 'Urduja', nanalasa sa ilang bahagi ng Visayas

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 06:43 PM | Updated as of Dec 14 2017 11:41 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nananatiling lubog sa baha ang ilang bahagi ng Visayas nitong Huwebes bunsod ng walang tigil na pag-ulan dulot ng bagyong Urduja.

Abot baywang na ang baha sa isang lugar sa Eastern Samar. Kuha ni Mark Pines

Sa Eastern Samar, na kasalukuyang nasa ilalim ng storm signal no. 2, hindi pa rin humuhupa ang ulan sa ilang bayan gaya ng Maydolong, Llorente, at General MacArthur. 

Umabot naman hanggang leeg ang baha sa ilang lugar sa bayan ng Quinapondan, Eastern Samar.

Hirap makipag-ugnayan ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa ibang bayan dahil sa kawalan ng kuryente.

Napag-alaman din ng Eastern Samar PDRRMO na may mga residente mula sa flood-prone areas na piniling manatili sa kanilang mga bahay sa kabila ng maagang abisong lumikas. 

Nananatiling lubog sa baha ang ilang barangay sa mga bayan ng Sigma at Mambusao sa lalawigan ng Capiz. Kuha ni Cherry Palma.

Sa lalawigan ng Capiz, lubog pa rin sa baha ang 12 sa 27 barangay sa parehong bayan ng Sigma at Mambusao.

Ayon sa Capiz PDRRMO, humupa na ang baha sa 15 barangay sa dalawang bayan.

Wala namang naiuulat na patay o lumikas.

Tiniyak ng mga awtoridad, kabilang ang Capiz Police Provincial Office, na handa silang rumesponde sakaling magkaroon ng kalamidad.

Nasa alert status ang lahat ng istasyon ng pulis sa buong lalawigan na nasa ilalim ng storm signal no. 1.

Sinuspinde na rin ng Philippine Coast Guard sa Capiz ang lahat ng biyaheng dagat mula Roxas City papuntang Masbate dahil sa sama ng panahon. 

Binaha rin ang bahagi ng kalsada sa kalapit na isla ng Boracay dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Nababahala ang ilang nasa isla dahil sa problemadong drainage system o paagusan sa lugar.

Kuha ni Jenette Fariola-Ruedas

Sugatan naman ang maglola sa Tacloban, Leyte matapos mabagsakan ng poste ng kuryente ang kanilang bahay.

Bumagsak ang poste nang gumuho ang lupa sa may Artemio Mate Avenue, bandang alas-12 ng tanghali Huwebes.

Kuha ni Jenette Fariola-Ruedas

Ayon kay Remedios Cebu, nakarinig sila ng malakas na ingay at nabagsakan na lamang ng poste ang kanilang bahay.

Natamaan ng kahoy sa ulo si Cebu habang nagtamo ng sugat sa paa ang kaniyang tatlong taong gulang na apo.

Dahil sa takot, hiniling ng mga residente sa lugar na ilipat sila sa isang relocation site.

Sa Balingasag, Misamis Oriental, pitong bahay na gawa sa light materials ang nasira dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Sa bulletin ng PAGASA, alas-4 ng hapon, huling namataan ang bagyong Urduja 80 kilometro sa silangan ng timog-silangan ng Guiuan, Eastern Samar.

Inaasahan itong mag-landfall sa Eastern Samar sa Biyernes.

-- Ulat nina Sharon Evite, Cherry Palma at Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.