Ano ang posisyon ng Pilipinas sa karahasan vs. Rohingya?

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 09:06 PM | Updated as of Dec 15 2017 05:57 PM

Lapnos ang balat ng batang magkapatid na Rohingya kasunod ng umano'y pagpapasabog ng Myanmar armed forces sa kanilang tirahan. Nasa refugee camp ngayon ang magkapatid, pero nawalay sila sa kanilang mga magulang at iba pang kapatid na naiwan o kaya'y nasawi sa Myanmar. Oktubre 14, 2017 Photo by Jorge Silva, Reuters

Lumikas nang halos walang bitbit na gamit at tanging mga suot na damit ang natirang ari-arian ng maraming Rohingya na tumakas sa karahasan sa Myanmar.

Ngayong nakahanap sila ng kanlungan sa refugee camps, umaasa na lang ang mga Rohingya sa iba't ibang ayudang ibinibigay ng international aid organizations.

Bukod sa ayudang pagkain, damit, at iba pang gamit, nabibigyan din ng psychological therapy ang mga Rohingya na dumaranas ng trauma.

Pero ayon sa spokesperson ng organisasyong Save the Children, kahit gaano kadami ang naibibigay na tulong, hindi pa rin ito magiging sapat dahil patuloy na nadadagdagan ang mga nagsisiksikan sa refugee camps.

Ang karahasan at pag-uusig na dinaranas ng mga Rohingya ay dahil sa masidhing paninindigan ng Myanmar na hindi sila mga mamamayan ng bansa.

Bagkus, mga ilegal na dayo na walang karapatang manirahan doon.

Kaliwa't kanang batikos na ang inabot ng Myanmar dahil sa krisis na tinawag ng United Nations na ethnic cleansing o paglipol ng lahi.

Noong nakaraang linggo, nagbotohan ang United Nations Human Rights Council sa Geneva para kondenahin ang "crimes against humanity" o malawakang pag-atake sa isang grupo ng mga sibilyan na nangyayari sa mga Rohingya.

Pero isa ang Pilipinas sa tatlong bumoto kontra rito kasama ang China at Burundi.

Noong nakaraang buwan, tinutulan din ng bansa ang draft ng UN General Assembly Resolution na nananawagang kilalanin bilang lehitimong mamamayan ng Myanmar ang mga Rohingya.

Ang dahilan noon ng bansa, hindi maaaring paboran ng Pilipinas, bilang chair ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ang anumang resolusyong kumokondena sa kapwa ASEAN-member country. 

Mapapanood ang ikaapat na yugto ng limang parteng special report ukol sa mga Rohingya mamaya sa Bandila.

-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.