97-anyos na babae, 5 kamag-anak, tinamaan ng dengue

Annie Pasion, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 09:22 AM

SANTIAGO CITY – Anim na magkakamag-anak, kabilang na ang isang 97-anyos na babae, ang nagkasakit dulot ng dengue.

Itinuturing ni Kagawad Elmer Millare na second life na ito ng kaniyang lola matapos na 5 araw na ma-ospital dahil sa dengue.

Bagama’t nanghihina pa siya, ligtas na raw sa kapahamakan ang matanda. Sa takot na maulit ang pagkakasakit, pinalibutan na ng matanda ng katol ang kanyang higaan.

Anim silang magkakamag-anak na tinamaan ng dengue sa Purok 1, Barangay Abra. Sila rin ang mga unang kaso ng dengue na naitala sa unang 2 linggo ng Disyembre.

Kinailangan pang salinan ng 8 bags ng dugo si Millare para bumuti ang lagay.

Kuwento niya, nagsimula lang sa sakit ng kasu-kasuan na inakala niyang trangkaso ang kanyang pagkaka-dengue.

“Talagang masakit, pati bewang ko, saka ulo. Nanghihina ako na hindi makakain,” sabi niya.

Pati ang tiyuhin niyang si Juanito Banaga, inakalang gagaling lang sa pag-inom ng gamot sa sakit ng ulo.

“Umayos naman. Nakakain na ako noon. Guminhawa naman na. Kaya nga bumalik pa ako sa bukid. Pero nung gabi na, hindi ko na talaga kinaya,” aniya.

Magkakapitbahay lang ang mga nagka-dengue.

Nagtataka naman si Kapitan Paulino Bergonia dahil zero-dengue case umano ang kanilang barangay noong nakaraang taon. Kasalukuyan pa nga raw ang paglilinis nila ngayon.

“Para ma-maintain ang kalinisan. Yun lang at parang naisahan kami ngayong last month ng 2017, at nagkaroon talaga ng dengue,” sabi niya.

Payo niya sa mga kabarangay, panatilihin ang kalinisan lalo pa’t masukal ang kanilang lugar.

Hiniling na rin niya sa City Health Office ang pag-spray ng pamatay lamok sa kanilang barangay sa oras na gumanda ang panahon.

Bilang tugon ng CHO, nagsagawa na sila ng environmental survey sa barangay.

Sabi ni Mae Celeste Andres na Sanitation Officer, tiningnan na nila ang mga posibleng pamugaran ng lamok.

“Naghanap po kami ng kiti-kiti doon sa kanilang kapaligiran ngunit wala naman po kaming nakita at malinis naman po yung kapaligiran,” aniya.

Sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, nakapagtala ng 10 kaso ng dengue ang CHO sa buong lungsod. Target pa rin nilang makamit ang zero-dengue case sa susunod na taon.

Payo nila ang agad na pagpapakonsulta sa duktor sa oras na makaramdam ng sintomas ng dengue tulad ng pagkakaroon ng sakit sa kasu-kasuan at pabalik-balik na lagnat.

Pero higit pa rin umanong panlaban sa sakit ang regular na kalinisan ng kapaligiran.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.