2 patay, 2 sugatan sa pananambang sa Isabela

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 01:59 AM

Dalawa ang patay habang dalawa ang sugatan sa pananambang ng hindi pa nakikilalang gunmen sa Barangay Annanuman, bayan ng San Pablo, Isabela Miyerkoles ng umaga.

Base sa imbestigasyon, sakay ng owner-type jeep ang magkakabarangay na sina barangay captain Briscio Gammaru, barangay treasurer Rey Mabborang, barangay tanod Bonifacio Lumabi at drayber na si Kingberly Antonio ng Barangay Dalena, San Pablo.

Papunta umano sila sa bayan ng Cabagan, Isabela para mag-withdraw umano ng pasweldo at bonus sa mga kabarangay nang bigla umano silang tambangan ng limang kalalakihan.

Napuruhan ang barangay tanod at treasurer na agad nilang ikinamatay habang ang drayber at ang kapitan ay sugatan ngunit nakatakbo pa at nakapagtago.

Agad namang nakatakas ang mga salarin. Nagsagawa naman ng hot pursuit ang pulisya.

Ayon kay Police Senior Superintendent Reynaldo Garcia, provincial director ng Isabela Police Provincial Office, lumalabas na ang kapitan umano ang target ng pananambang dahil na rin hinabol pa siya umano ng gunman pero bigo siyang mapatay.

Personal na alitan ang tinitingnan ng pulisya na motibo sa pananambang. Hindi rin umano iniaalis ang kaugnayan nito sa dating kasong hinarap ng kapitan gaya umano ng homicide.

Positibo naman umanong namukhaan ng mga nakaligtas ang isa sa mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.