1,000 pasahero ng MRT pinababa dahil sa 'electrical failure'

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2017 10:05 AM

MANILA - Pinababa nang wala sa oras ang nasa 1,000 pasahero sa MRT-3 Kamuning station southbound matapos makaranas ng electrical failure ang motor ng isang tren sa gitna ng rush hour, Huwebes.

Ang electrical failure ay nagdudulot ng pagkasira ng sub-components ng tren tulad ng regulator, insulators, chopper at carbon brush, paliwanag ng Department of Transportation-MRT.

Matapos pababain ang mga pasahero dahil sa naturang aberya alas-8:18 ng umaga, inabot ng nasa 6 na minuto bago sila muling nakasakay sa kasunod na tren.
 
Papalitan naman ng mga awtoridad ang nasirang piyesa ng nagkaaberyang tren.

Samantala, dahil punong-puno ang MRT ng mga pasahero mula sa North Avenue station, 4 na beses muna itong nilaktawan ng mga tren na nagsimulang magsakay ng pasahero sa ibang istasyon.

Ipinadala ang mga naturang maluwag na tren o skip train sa Kamuning at Quezon Avenu stations nitong alas-7:35, 8:07, 8:21 at 8:51 ng umaga.

Labing-apat na tren ang tumatakbo, alas-9 ng umaga. Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.