Provincial buses bawal na sa bahagi ng EDSA simula Huwebes

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2016 01:08 PM

Pedestrians opt to walk instead waiting in the traffic which has come to a standstill on EDSA near Kamuning on Friday. The traffic situation will continue to worsen during the weekends as Christmas day nears. Manny Palmero, ABS-CBN News

MANILA - Para maibsan ang matinding trapiko lalo ngayong Kapaskuhan, ipagbabawal na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagbiyahe ng mga bus na biyaheng probinsiya sa bahagi ng EDSA simula Huwebes, Disyembre 15.

Partikular na ipapatupad ang naturang traffic scheme sa EDSA southbound, mula Timog Avenue hanggang P. Tuazon Boulevard, tuwing Lunes hanggang Biyernes, mula alas-6 sais hanggang alas-10 ng umaga. 

Mahigpit na ring ipatutupad ang "nose in, nose out" policy sa mga bus terminal, ayon sa MMDA. 

Ibig sabihin bawal ang pila ng mga bus sa mga pangunahing lansangan.

Alinsunod dito, dapat magkaroon ng back door ang mga terminal para hindi na nagmamaniobra ang mga bus sa mismong EDSA. 

Pagbabawalan na rin ang mga taxi at pribadong sasakyan naman na magbaba at magsakay ng mga pasahero sa harap mismo ng mga terminal. 

Umalma naman ang isang grupo ng mga mananakay sa kautusan. 

Ani National Center for Commuter Safety and Protection president Elvira Medina, hindi sila naabisuhan ng ahensya ukol sa naturang plano. 

Nanawagan siya sa MMDA na ikonsidera ang kapakanan hindi lang ng mga bus operator, kundi maging ng mga pasahero, na maaapektuhan ng ordinansa. 

Kaugnay nito, pumayag naman si MMDA officer-in-charge Thomas Orbos na makipagdayalogo kay Medina at tukuyin kung ano ang makakabuti para sa mga pasahero.