Problema ng mga pasaherong may 'hit' ang pangalan tutugunan ng BI

ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2016 04:10 PM

MANILA – Nangako ang Bureau of Immigration (BI) na tutugunan nito ang problema ng ilang pasaherong di pinapayagang makaalis dahil may kapangalan silang merong "derogatory record."

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Immigration Port Operations Division head Marc Red Mariñas na matagal na nilang problema ang isyung ito.

“On the primary inspection po kapag ang pasahero ay nag submit ng kanyang sarili, sa ating immigration officers at mag swipe ng passport at may lumabas na records na derogatory, na may kapangalan, kinuha po namin ang detalye nito,” sabi ni Mariñas.

Pero inamin ng opisyal na kadalasan ay kulang-kulang ang detalyeng itina-transmit sa kanila ng korte na nakalagay sa kanilang derogatory system.

“Itong mga records ay transmitted ng korte. Hindi naman namin puwedeng i-defy ang court order na ipinapadala sa amin,” sabi ni Mariñas.

Ayon kay Mariñas, ang iba ay walang kalakip na retrato o araw ng kapanganakan, middle name, mga detalyeng madali sanang ikumpara sa pangalan ng naaantalang pasahero.

Maaari namang i-refer ng immigration officer sa kanilang supervisor ang kaso, ngunit kung talagang hindi maayos ito, lalo na sa mga pasaherong may common names, kinakailangan pang kumuha sila ng clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI) at certificate of not the same person mula sa tanggapan ng BI sa Maynila.
 
“We’ve been writing letters to the court time and again and yan po gagawan natin ng solusyon. Naiintindihan naman po namin ang concerns ng ating traveling public,” sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.