Babae, patay matapos pagnakawan ang bahay

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Dec 14 2016 07:20 PM

LIPA CITY - Patay ang isang babae matapos siyang barilin ng mga magnanakaw na nanloob sa kanilang bahay sa Barangay Dagatan, Lipa City Martes ng gabi.

Bandang ika-8 ng gabi nang pasukin ng hindi pa nakikilalang mga lalaki ang isang bahay sa isang subdivision sa Barangay Dagatan. Pumasok sa bahay ang mga salarin gamit ang bintana ng walk-in closet sa bahay.

Habang nilolooban ang bahay, nakatakbo palabas ng kwarto ang isa sa mga anak ng may-ari ng bahay para humingi ng tulong.

Suspetsa ng pulisya, ito ang dahilan kung bakit nabaril at napatay ng isa sa mga salarin si Alexandra Muzloum, 44 taong gulang.

Dumating sa bahay ng mga Muzloum ang mga gwardiyang unang hiningan ng tulong ng iba pang kasama sa bahay ng biktima.

Nakatakas ang mga salarin dala ang safety vault ng pamilya na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng pera, susi ng sasakyan, mga alahas, cellphone, passport at iba pang mahahalagang dokumento.

Sugatan rin sa insidente ang gwardiyang si Christopher Paguio, 29 taong gulang.

Ayon sa pulisya, bukod sa robbery, may iba pa silang mga anggulong tinitingnang posibleng maging motibo sa krimen, lalo na't tanging ang biktima ang binaril ng mga magnanakaw.

"This could be purely robbery pero tinitingnan pa natin 'yung iba pang anggulo kasi bakit 'yung babae lang 'yung binaril," ani Supt. Carlos Barde, hepe ng Lipa City Police.

Patuloy ang follow-up operation ng pulisya para matukoy ang posibleng nasa likod ng krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.