Dumadaan sa Balintawak tollway sa North Luzon Expressway noong Oktubre 22, 2020 ang mga sasakyan. Mark Demayo, ABS-CBN News
MAYNILA — Hindi dapat isisi sa mga truck ang nararanasang mabigat na daloy ng trapiko sa mga kalsada, sabi ngayong Linggo ng isang grupo ng mga trucker.
Ayon kay Rina Papa, vice president ng Alliance of Concerned Truck Owners and Organization, 3 porsiyento lang ng mga bumibiyahe sa mga kalsada ang mga truck.
Dapat daw sisihin ang mataas na volume ng mga sasakyan.
"Nire-refute ng studies that trucks are causing traffic. Trucks barely comprise 3 percent of vehicles on the road... ang talagang cause ng traffic ay volume of vehicles," ani Papa.
Sa paggiit na hindi sila perwisyo sa daan, nanawagan ang grupo sa pamahalaan na tulungan silang baguhin ang pananaw ng publiko sa mga trucker.
"'Pag tumigil kami, mas malaking perwisyo, di ba?" ani Papa.
"Dapat i-correct ng gobyerno paano tinitignan ng publiko ang truckers," aniya.
Simula Lunes, muling ipatutupad ang truck ban sa Kamaynilaan para mapaluwag ang mga kalsada.
Ayon kasi sa Metropolitan Manila Development Authority, isa sa mga nagpapabigat sa daloy ng trapiko ang mga truck, lalo kapag rush hour.
Sinuspende ang truck ban mula nang isailalim ang Metro Manila sa enhanced community quarantine noong Marso para tuloy-tuloy ang paghatid ng mga pangunahing pangangailangan.
-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, truck, trucker, truck ban, Alliance of Concerned Truck Owners and Organization, traffic, Metropolitan Manila Development Authority